Halos 2,000 Jobseekers, Nakilahok sa Independence Day Job Fair 2026 ng QC PESO
Photo credits: QCPESO Facebook account
Quezon City, Hunyo 12, 2026 – Matagumpay na isinagawa ng Quezon City Public Employment Service Office (QC PESO) ang Independence Day Job Fair 2026, na nagbigay ng pagkakataon sa libu-libong naghahanap ng trabaho na makipag-ugnayan sa mga employer at makahanap ng bagong hanapbuhay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12, 2026. Ang nasabing job fair ay ginanap sa Trade Hall ng Robinsons Novaliches sa Quezon City.
Batay sa tala ng QC PESO ng 4:30 ng
hapon, umabot sa 3,369 ang mga nagparehistro online para sa job
fair. Sa bilang na ito, 1,959 na jobseekers ang aktuwal na dumalo, kung
saan 798 ay kalalakihan at 1,161 ay kababaihan.
Naabot din ng programa ang
itinakdang target sa pakikilahok ng mga employer, kung saan 50 lokal na
kumpanya ang nakibahagi o 100 porsiyento ng inaasahang bilang ng mga
employer. Nag-alok ang mga ito ng iba’t ibang bakanteng posisyon mula sa
iba’t ibang industriya upang mabigyan ng mas maraming pagpipilian ang mga
naghahanap ng trabaho.
Lubos ang pasasalamat ng QC PESO
sa lahat ng mga employer, katuwang na ahensya, mga boluntaryo, at mga jobseeker
na nakiisa at naging dahilan ng matagumpay na pagdaraos ng Independence Day Job
Fair 2026.
###





Comments
Post a Comment