MAHIGIT 12,000 TRABAHO INIHANDOG NG QC GOVT SA LABOR DAY JOB FAIR 2026
Quezon City, Mayo 1, 2026 (Photo credit: QC PESO/ (1) QC Labor Day Job... - Quezon City Public Employment Service Office | Facebook)—
Isinagawa ang aktibidad alinsunod sa pambansang tema na “Disenteng Trabaho Para sa Lahat; Iisang Hangarin, Bagong Pilipinas, Sama-Samang Mararating,” na sumasalamin sa matibay na paninindigan ng lungsod para sa inklusibong kaunlaran at disenteng hanapbuhay. Isinusulong din ng lungsod ang panawagang: “Manggagawang QC, Kasama ka sa Pag-unlad; Ihahatid sa iyo, Trabaho at Oportunidad.”
Pinagsama-sama ng Labor Day Job Fair ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga partner employer, at iba’t ibang organisasyon, na nag-alok ng mahigit 12,000 bakanteng trabaho para sa mga naghahanap ng hanapbuhay. Ayon pa sa QC PESO, maaari ring makipag-ugnayan ang mga jobseekers sa 101 employers, mapa-lokal o overseas man.
Higit pa sa pagbibigay ng trabaho, binigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng social protection, pagpapaunlad ng kasanayan, at paggalang sa dignidad ng bawat manggagawa.
Ipinagpatuloy ng lungsod ang tagumpay ng nakaraang taon kung saan 2,111 jobseekers ang lumahok at 329 ang agad na natanggap sa trabaho, at layunin nitong mapalawak pa ang ganitong mga oportunidad ngayong taon.Ang programa ay nakahanay sa 14-Point Agenda ni Mayor Joy Belmonte, na nagbibigay-priyoridad sa serbisyong panlipunan, trabaho, at inklusibong pag-unlad ng ekonomiya. Bahagi nito ang patuloy na Social Protection Campaign ng lungsod upang matiyak ang seguridad at kapakanan ng mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor.
Hindi lamang job matching ang pokus ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga community-based initiatives, patuloy nitong pinapalakas ang kakayahan ng mga manggagawa. Sa kasalukuyan, may 276 samahan ng mga manggagawa ang nairehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE), kabilang ang mga urban farmers at waste workers.
Ang mga samahang ito ay nakinabang sa iba’t ibang programa tulad ng:
- Social Protection Caravans
- Financial Literacy Trainings
- Technical Skills Training at Certification
- Enterprise Development Programs
- Access sa mga programang DOLE tulad ng TUPAD at livelihood assistance
- Disaster Preparedness at Mitigation Training
Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na ang mga programang ito ay hindi lamang nagbibigay ng trabaho kundi pati proteksyon, kaalaman, at oportunidad para sa pangmatagalang pag-unlad ng mga manggagawa.
Muling nanawagan ang lungsod sa pribadong sektor na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan upang makalikha ng mas maraming inklusibong programa at oportunidad para sa mga QCitizen.“Sa ating mga manggagawa at jobseekers, ang araw na ito ay para sa inyo. Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Nandito ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon upang samahan kayo sa bawat hakbang—mula sa pag-aapply hanggang sa pagtupad ng inyong mga pangarap,” ayon sa pahayag.
Sa paggunita ng Buwan ng Manggagawa, muling pinagtitibay ng Lungsod Quezon ang pangako nitong bumuo ng isang lungsod kung saan ang bawat manggagawa ay may dignidad, proteksyon, at oportunidad—tinitiyak na walang maiiwan.





Comments
Post a Comment