Si Lucy at ang Ibang Eco-Warriors ng Barangay KNL: “A Trash to Cash Back Story”
(Photo caption: Si Lucy, Irene at Joseph, mga eco-warriors sa Barangay Krus na Ligas)
Araw-araw, simula umaga hanggang gabi, ang mga
piraso ng karton, mga papel, lata o yero, plastic at mga tetra pack, ay
kinokolekta at iniipon ni Lucy Desio, kasama ang kanyang kaibigan at
kapitbahay na si Irene Fabella. Sa tulong naman ng kapitbahay nilang si Joseph
Menguito, ang mga naipong materyales ay dadalhin sa drop-off point ng barangay para
sa nakatakdang lingguhang koleksiyon. Sila ang ilan lamang sa mga residente ng
barangay na itinuturing na eco-warriors sa ilalim ng programang “Trash to Cash
Back” ng Pamahalaang Lungsod.
Ang mga inipon, pinaghiwa-hiwalay na materyales ay titimbangin at may katumbas na environmental points. Ang naipong points ay magagamit sa isang ATM card upang pambayad sa mga grocery items na mabibili o pambayad sa utility bills.
Ayon kay Lucy, nakakaipon siya ng halos 10-15 kilong recyclable material sa isang araw at sa isang linggo, siya nakakaipon ng environmental points na katumbas ang P2000-P2500.
Sa halos mahigit 100-metrong kahabaan ng Kalye Alonzo sa
Barangay Krus na Ligas, sila ay makikita na walang-sawang nangongolekta at
nag-iipon ng mga scrap na materyal na ito, bahagi ng pakikilahok nila sa programang “Trash to Cash Back Program”, na
pinamamahalaan ng QC Climate Change and Environmental Sustainability Department
(QC CCESD) katuwang ang Basic Environmental Systems & Technologies
Inc. (BEST).
Ang programang Trash to Cash Back ay inilunsad ng QC LGU
noong Marso 2021 sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte upang isulong pa lalo ang
solid waste management at hikayatin ang mga QCitizens na mag-recycle at sundin
ang isang mas sustenableng pamumuhay (more sustainable lifestyle).
Ayon pa kay Mayor Belmonte, ang programa ay ibinaba sa mga
barangay para mas madali para sa mga residente na ipagpalit ang kanilang basura
sa cash sa pamamagitan ng environmental points.
Sa paglulunsad ng programa noong 2021, binanggit pa ni Ms.
Andrea Villaroman, pinuno ng QC CCESD,na hindi lang ang mga
residente ng bawat barangay ang hinihikayat nila. Hinihimok din nila ang mga
malls, hotel at restawran na mag-recycle at i-donate ang kanilang environmental
points sa mga pamayanan sa kanilang lugar.
Sa kasalukuyan, mayroon ng 22 drop-off points sa buong lungsod at inaasahan dadami pa ito sa darating na panahon.
(Photo caption: KNL Kagawad Patria Uchi with Irene, Lucy at CCESD staff Virgie Bangalay)
Sa Barangay Krus na Ligas (KNL), nagsimula ang programa noong 2022, ayon kay Kagawad Patria Uchi, ang Barangay Committee Chair sa Waste Management. At ito ay patuloy pa rin sa pamumuno ni PB Renz Perdido.
Ani Kagawad Uchi, nakakapagkolekta sila ng halos 800-1000
kilos na recyclable materials sa barangay sa buwanang koleksyon nito sa ilalim
ng programa. May nakatakda ding lingguhang koleksyon sa
barangay bilang isang drop-off point.
Comments
Post a Comment