URBAN FARMERS NG QC BIBIGYAN NG BAGONG PAGSASANAY SA AGRIKULTURA AT DAGDAG NA KAGAMITAN NGAYONG 2023
Halos 5,000 kasapi ng mga urban farm organizations sa Quezon City ang nakatakdang tumanggap ng libreng pagsasanay sa panibagong yugto ng programa ni Mayor Joy Belmonte sa ilalim ng The Joy of Urban Farming program, katuwang ang Public Employment Service Office (PESO) at ang mga pambansang ahensiya tulad ng Department of Agriculture, TESDA at iba pa. Kabilang din dito ang tulong mula sa mga pribadong kompanya.
Sa ginanap na Urban Farmers Pre-Summit Assembly noong January 17-20, ipinahayag ni Ms Tina Perez, head ng The Joy of Urban Farming Program, ang iba't-ibang pagsasanay na isasagawa nila sa taong ito para sa karagdagang kaalamang pang-agrikultura ng mga urban farmers sa lungsod.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng halos 950 lider at tagapangulo ng mga urban farm organizations ng anim (6) na distrito ng lungsod.
"Ngayong taon, bibigyan natin ang mga urban farmers ng ating lungsod ng mga bagong pagsasanay para madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagtatanim. Ito na ang next stage, new chapter sa ating urban farming program na malayo at malawak na ang narating mula ng simulan ang programang ito," ani Ms. Perez sa kaniyang talumpati.
Kabilang sa mga dagdag na pagsasanay ngayong taon ang mga teknolohiyang pang-agrikultura tulad ng Bokashi, pag-aalaga ng Black Soldier Fly, African Night Crawler at Beekeeping; rabbitry, concoction making at online marketing. Dagdag pa dito ang mg pagsasanay na ihahatid ng Quezon City University (QCU) Center for Urban Agriculture and Innovation at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ipinakita rin ni Ms Tina Perez ang ilang mga dagdag na farm tools, equipment o kagamitan na matatanggap ng mga urban farmers na tulong mula kay Mayor Joy Belmonte sa ilalim ng The Joy of Urban Farming Program.
Binigyang diin naman ni PESO chief Rogelio L. Reyes ang kahalagahan ng pagkakaisa at ang pagiging organisado ng grupo na nakapaloob sa programa ng lungsod. Kasama dito ang tamang pagdodokumento ng mga gawain sa urban farm ng samahan.
Ayon sa PESO chief ang pagkakaraoon ng isang maayos na samahan ang susi sa tagumpay para makamit ang hangarin ng grupo at lehitimong makatanggap ng tulong mula sa mga pambansang ahensiya.
Umaabot na sa halos 200 samahan ng mga urban farmers ng lungsod ang natulungan ng PESO para makapagrehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE) bilang lehitimong workers association. Umabot naman sa 196 ang bilang ng mga urban farm groups na naitala sa Barangay and Community Relations Department (BCRD) bilang bahagi ng civil society organizations na kalahok sa pagbalangkas ng city development plan.
Dagdag pa niya, maliban sa pagtulong sa urban farming, tuturuan din ng pamahalaang lungsod ang mga kasapi ng paraan sa social enterprise, entrepreneurial skills at kooperatiba. Ilan ito sa paraan para maging sustenable ang urban farming program sa lungsod.
Sa pagtitipon sa bawat lugar sa anim na distrito, ipinakilala rin ang mga napiling focal person ng mga urban farming program. Sila ang magsisilbing tagahatid ng mensahe para sa mabilis at opisyal na komunikasyon sa pagitan ng mga urban farmers at opisina ni Ms Perez.
Ipinahayag din sa pagtitipon ang pangangailangan sa mga taong magsisilbing agri-tourism guide. Ito ay bukas para sa mga kabataan, out of school youth (OSY) o sino mang interesado sa gawain bilang isang tour guide para sa mga taong bibisita sa mga urban farms. # # #
Comments
Post a Comment