KASAMBAHAY SA QUEZON CITY TATANGGAP NG PATULOY NA SUPORTA NG PAMAHALAANG LUNGSOD SA PAGPAPATUPAD NG QC PESO
Ang mga programa at serbisyo ng Pamahalaang Lungsod Quezon na nakalaan para sa mga kasambahay sa lungsod ay inilahad ng QC Public Employment Service Office (QC PESO) sa isang pagtitipon para ipagdiwang ang "Araw ng Kasambahay" na pinangunahan ng DOLE - Bureau of Workers with Special Concern. Ito ay ginanap sa Hotel Lucky China Town, Binondo, Manila noong 21 Enero 2023.
Ang patuloy na pagsusulong sa mga
programa at serbisyo para sa mga kasambahay ay alinsunod sa direktiba ni Mayor
Joy Belmonte na ilahok ang partisipasyon ng karamihan para sa pag-unlad.
Sa nasabing pagtitipon, inilahad
ni Briggs Dionisio C. Navarra, Special Projects Division Head, ang mga inisyatiba
at serbisyo ng Lungsod Quezon para sa kapakanan ng mga kasambahay. Nagbigay katiyakan
si G. Navarra na ipagpapatuloy ang pagpapalawig ng Kasambahay Program sa lungsod.
Sa patuloy na pagtulong ng
lungsod na pinangungunahan ng QC PESO sa pamamagitan ng Special Projects
Division, ang mga kasambahay ay hinihikayat na magparehistro para matulungan silang magkatanggap ng benepisyo ng pamahalaan sa ilalim ng mga programa ng SSS, PhilHealth at Pag-Ibig. Katuwang ang
barangay, tinutulungan ng PESO na ma-organisa ang mga samahan ng kasambahay sa
bawat lugar at komunidad at makapagpatala sa DOLE bilang workers association. Bunga
nito, marami sa kanila ang nabigyan ng oryentasyon tungkol sa Kasambahay Law,
tumanggap ng livelihood skills training, urban farming training, at natulungang
makatapos ng pag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng DepEd.
Noong Disyembre 2022, inilunsad ng QC PESO ang Kasambahay Assembly para sa patuloy na pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng mga kasambahay at Pamahalaang Lungsod. Ang malaking pagtitipon ay nilahukan ng 213 kasambahay mula sa sa anim na distrito ng lungsod, kabilang dito ang ilang kasapi ng QC United Domestic Workers.
Sa pagdiriwang ng Araw ng Kasambahay noong Enero 21, dumalo ang
mga kasambahay mula sa iba't ibang lugar ng NCR, kabilang na ang mga kasambahay
mula Barangay Quirino 2A ng Quezon City. Kasama din ang mga kinatawan ng United Domestic Workers of the Philippines, at Association of Licensed Private Employment
Agencies of the Philippines, Inc. (ALPEAP).
Dumalo din ang TESDA, Social Security System, PhilHealth, at Pag- IBIG para ilahad ang kani-kanilang programa at serbisyo para sa mga kasambahay.
Nagtapos ang programa sa pangwakas
na pananalita ni Director Ahmma Charisma Lobrin Satumba ng DOLE - Bureau of
Workers with Special Concern.
Ang QC PESO Special Projects ng
Quezon City Public Employment Service Office ang pangunahing tagapagpatupad ng
Kasambahay Program ng Lungsod.
Comments
Post a Comment